Si Alaric Yuson na mas kilala sa
pangalang Anygma na isang emsi ang nagdala nito sa Pilipinas. Malaki ang
impluwensiya ng orihinal na liga ng rap battle sa kanluran na nagsimula noong
2008 – Ang Grind Time Now ng Amerika, King of the Dot ng Canada at Don't Flop
ng United Kingdom. Kilala ang mga ligang ito bilang numero unong rap battling sa
mundo.
Nagkaroon
ako ng interes sa FlipTop sapagkat nakita kong patok ito sa kabataan, at ang
dahilan kung bakit gusto nila ang naturang laro ang nagtulak sa akin para
alamin ang lumalawak at napakabilis na paglaganap ng isa sa elemento ng kulturang
hip hop sa kabataan sa kasalukuyan, ang rap battle. Magiging daan din ito upang maipreserba ang kultura
umusbong at tinatangkilik ng kabataan sa kasalukuyan.
Sa
pamamagitan nito, mahalagang malaman ng kabataang mahilig sa rap battle na may
kaugnayan sa ating katutubong oral na tradisyon ang paraan ng pagbabatuhan ng
mga salita sa FlipTop. Gayundin sa mga kabataang “war freak,” maaaring mabaling
na ang kanilang enerhiya mula sa pisikal na pakikipag-basag-ulo tungo sa
pakikipagbuno sa mga salita.
Ito bagong kinahihiligan ang
kabataang Pilipino sa kasalukuyan, isang estilo ng pagrarap na nagtatagisan ng
galing sa paggawa ng mga pahayag ang layunin ay personal na patutsadahan at
verbal na kutyain ang pisikal na kaanyuan ng kalaban. Madalas paksain ang
pangungutya sa isa’t isa ng mga kalahok gamit ang malalaswa, mapang-insultong
pahayag na kung baga sa boksing ay “below the belt” ang tira. Ito ang tinatawag na FlipTop.
Idinaraos
lamang ito sa isang eksklusibong party sa sa Quantum Café, sa Quezon City. Isa
itong “underground” na laro at hindi sila basta-bastang nagpapapasok ng mga taong mag-bibidyo sa
mga battles. Hindi alam ng nakararami ang organisasyong ito hanggang sa
nagsilabasan ang mga videos sa YouTube na tinatangkilik naman ng nakararaming
kabataan.
Sa FlipTop, ang dalawang rapper ay
tinatawag na Emsi o MC. Sa libro nina Petracca at Sorapure (2004), binigyang
kahulugan nila ang rap bilang form of rhythmic speaking in rhyme. Ang rapper ay
isang taong nagpapahayag ng kanyang saloobin sa pamamagitan ng pabigkas na may
tugma sa saliw ng tugtog o musika. Sa isang websayt naman binigyang kahulugan
ang emsi o MC (Master of Ceremonies) (http://www.urbandictionary.com), a
lyricist, Rapper. Considered by most to be more than just an ordinary rapper. A
step above just a rapper an emcee not only writes great lyrics, but also rocks
the stage equally well. one who raps with skill. Ito pagpapakilala ng ilang mga
emsi sa FlipTop – na hindi sila mga rapper dahil mas mataas ang kakayahan ng
isang emsi. Hindi lang ito nagrarap kundi puwede rin niyang hawakan ang isang
pagtitipon o programa kagaya nang ginagawa ni DJ Koki sa dating programa ng
ABS-CBN na Wowowie. Kakanta ito sabay sa indayog ng tugtog para sumaya ang
programa.
Sa
ganang akin, dapat taglayin ang apat na katangian ng isang emsi sa FlipTop.
Una, kilangan mabilis mag-isip para hindi mabitin ang mga hurado at tagapakinig
dahil baka ito pa ang gamiting dahilan para mainsulto ng kalaban. Pangalawa,
may kakayahan sa rebuttal o pagsagot sa mga insultong pinagtutungkol ng
kalaban. Pangatlo, kailangan matindi ang punchline para makahakot ng papanig na
odyens. At pang-apat, dapat may dating ang mga salitang ibinabato sa kalaban,
kung gayo’y may impak sa odyens-hurado.
Kadalasang
Filipino ang ginagamit sa FlipTop sa Pilipinas. May kategorya ring Ingles pero
kakaunti lamang ang sumasali? Bihira lang din ang bernakular, kung meron man
nahahalo ito sa mga linya para magkaroon ng tugmaan. Mas gusto ng mga emsi na
wikang Tagalog o Filipino ang gagamitin nila dahil komportable, natural at
nauunawaan sila ng odyens o mga tagapakinig.
Ang FlipTop, na isang rap battle, ay
pag-iinsultuhan ng dalawang tao sa pamamagitan ng paggamit ng talas ng isip at
mga maangas na mga salita. Pinatutunayan
ito ng isang pahayag sa websayt na nagsasabing
(http://www.urbandictionary.com), Rap battle having a rapping contest against
someone else in front of an audience, where most of the lyrics are insults
directed at the other rapper which have to rhyme at the same time. Sa websayt
na socyberty.com sinasabi na, In FlipTop, you are free to say anything. You can
say explicit curse words as much as you want. But you have to follow several
rules in fighting in a FlipTop battle. Kalayaan sa pagpapahayag ang ipinapakita
sa FlipTop. Karaniwang pangit, pambababoy at malalaswang salita ang maririnig
sa laban. Mga salitang kadalasan ay wala sa bukabolaryo ng mga matatanda o
taboo sa lipunan. May mga bastos na salitang hindi puwedeng banggitin.
Maituturing
na elemento sa laro ang mga emsi dahil sila ang humubog at nagpalaganap sa
kultura ng FlipTop sa multimedia at pati na rin sa mga kalye’t paaralan. Hindi
magiging sikat ang FlipTop sa kabataan kung hindi dahil sa mga emsi. Kakaiba
ang galing na naipapamalas ng mga emsi sa tuwing naglalaban, mayroon silang
kakayahang laruin ang talinghaga ng mga salita gamit ang tugmaan sa loob ng
ilang segundo lamang.
Sa Fliptop, tuwing may labanan o
paligsahan, pinapangalanan nila ito. Kumbaga sa boksing may pangalan ang bawat
sagupaan. Iba-iba ang pangalan ng event sa bawat laban at pati na rin ang
lugar, depende sa imbitasyon at isponsor ng naturang paligsahan. Sa FlipTop, may mga grupo ang bawat emsi, na
tinatawag nilang clan. Ayon sa (http://www.urbandictionary.com) Clan is A group
of people working together in online multiplayer games. They may just play
together for fun, or have training sessions and compete in tournaments. Gaya sa
isang larong may koponan ang bawat sasali nito at may layuning puksain ang
kalaban na grupo na may clan din at kilalaning magaling sila sa laro. Kung ihahalintulad sa isang lugar ang clan,
para itong lugar na binubuo ng maraming tribu hindi dahil magkakamag-anak sila
kundi mga manlalarong nais patunayang sila ang magaling sa ganitong uri ng
laro. Ang clan sa FlipTop ay tribu ng isang emsi kabilang ang kasangga niya sa
naturang paligsahan. Mababasa sa susunod na talakayan ang pelikulang Tribu na
nagpapakita ng usapain tungkol sa grupo ng kabataan sa Tondo. Maliban sa mga
clan may iba-ibang grupo pa ng mga emsi ang kumakatawan sa isang emsi, gaya ng
production, recording at iba pa.
The new format of battling is the closest
thing to an international guideline. The rest is up to the particular league to
modify - Anygma (ALARIC RIAM YUSON: THE FATHER OF FLIPTOP by Vim Nadera)
Sa interbyu kay Dello na ipinaskil
sa YouTube, nahahati ang pagsasagawa ng FlipTop sa tatlong bahagi: Una, ang
pag-iimbita ng mga emsi at pagbibigay- format sa laro; pangalawa, ang aktuwal
na labanan at ang format sa lugar ng paligsahan; at pangatlo, pag-aaplod sa
Internet partikular na sa YouTube.
Bersyon ng FlipTop sa Ibang
Rehiyon
Maliban
sa pagdayo ng FlipTop sa ibang lugar sa Visayas at Mindanao para magdaos ng rap
battle, may sariling bersyon din ang ibang rehiyon sa naturang paligsahan; Niyatakay og Letra at Rap Batikos ng Cagayan de Oro, Twisted
Tongue ng Ormoc, Sumpaki-ay sa Letra
ng Bohol, ang Encuentro ng Zamboanga na sa plaza lang idinadaos ang liga at sabi
nila’y nauna pa raw ng isang taon sa FlipTop, at ang Hinampakay og Letra ng Iligan City.
Hinampakay Og Letra
Kilala sa tawag na Hinampakay Og Letra ng kabataang Iliganon. Katulad din ng FlipTop
ang ligang Hinampakay. Sinimulan ito nina Yuseff Bin Kareem B. Pasandalan
(a.k.a. Zeff Wayne) at Richard Tutanes (a.k.a. Spyx) dahil naisip nila na
magandang pagkakataon ng kabataan na ipakita ang kakayahan sa paggawa ng
matalinghaggang liriko at rap battle gamit ang sariling bernakular na wika (http://politikalon.blogspot.com).
Si Charlie Cheka o mas kilala sa pangalang
Emzee na nakatira sa Barangay Tambacan, Lungsod ng Iligan ang isa sa mga
beteranong tagapamahala sa paligsahan. Ayon sa kanya, ang Hinampakay og Letra
ay isang opisyal na liga na rap battle na sinimulan noong Hunyo 2010 na ginanap
sa Caltex Tibanga, Lungsod ng Iligan.
Ang 063 ay ang terminong ginamit bilang pagkilala sa lungsod ng Iligan
sa larangang ito dahil ito ang code ng Iligan. Isa itong laro na patok sa lasa
ng kabataan na produkto ng kulturang popular. Layunin nitong insultuhin,
kutyain, o laitin ang buong pagkatao ng katunggali gamit ang mga masining na
pamamaraan. Isa itong pamamaraan sa paglalahad ng mga obserbasyon ng kabataan
sa kanilang paligid sa Iligan. Inilalabas ng kabataan ang kanilang mga
impresyon at pananaw. Ayon din sa kanya, walang language barrier ang Hinampakay og Letra. Nabibilang din ito
sa kulturang hip hop kung saan mayroong limang elemento: biboy, emsi, graffiti,
dj, at ang lost element na knowledge dahil ito ang huling bahagi ng hip hop na
matagal nang nawawala, nabibilang sa elementong emsi ang Hinampakay og Letra. Ayon
kay Emzee, ang sistema sa larong Hinampakay, mayroong 1 on 1, 2 on 2, 3 on 3, 4
on 4, at 5 on 5 mula sa magkaibang grupo na magkakatunggali at magsasagutan sa
pamamagitan ng labanan ng mga salita.
Ang Katutubong Tradisyon
Bago pa nauso ang rap sa Pilipinas mayroon nang katutubong
tradisyon ang ating mga ninuno sa pagbigkas at pag-awit; ang mga bugtong,
salawikain at ,maiikling tula, epiko, ambahan, ang bayok, Bikal ng Waray, Bayuk-bayuk
ng mga taga-Bukidnon, Balitao sa mga Cebuano at iba pa.
Ang katutubong mang-aawit sa mga
epiko ang kauna-unahang freestyler ilang siglo na ang nakalipas. Mula sa solong perpormans nagkaroon
dalawa o higit pang mang-aawit o mambibigkas sa paraan ng pagtatalo, Agon ang
tawag nila rito. May mga paksa tulad ng pag-ibig, panliligaw, marriage,
negosasyo sa dowry. Sabi pa ni Walter Ong, oral culture tend to be
“agonistically toned” (Nono, 182, 185)
Tulad ng báyok na isang uri ng
tradisyonal na pagtatanghal ng mga Mëranaw, maaaring uriin sa dalawa ang mga
nagtatanghal ng bayok: pababaiok ang tawag sa lalaki samantalang onor naman ang
babae. Ang paksa ay laging may layuning parangalan ang okasyon o pagdiriwang,
magpugay sa ilang mga natatanging indibidwal o kayâ naman ay talakayin ang
ilang mahahalagang punto ukol sa isang ideang pilosopiko Impromptu ang paglikha
ng mga berso para sa mga kalahok ay isa ring uri ng tulang tagisan ng
karunungan o joustic poetry ng mga Mëranaw. Hawig ito sa mga anyo at estilo sa
duplo at balagtasan ng mga Tagalog, balak ng mga Cebuano at bikal ng mga Waray.
Paawit ang debate ng lalaki at ng babae at nakabatay ang paksa sa pista o
pagdiriwang bagaman hango ang pinag-uusapan sa mga salaysay sa Darangën. Ang
mga onor o mga mang-aawit na nagsanay sa tradisyonal na anyo ng pag-awit ang
nagtatanghal ng bayok. Kambayoka ang tawag sa pagtatanghal na ito. (https://www.flickr.com/photos/nccaofficial/18250519049/in/photolist-tNJFtx-sL1kUG-t9m7cP%20)
Ang Balitao ng mga Cebuano na debate
sa pag-ibig ng lalaki at babae sa pamamagitan ng pag-awit at pagsayaw. Kung may
kumintang at kundiman ang mga Tagalog balitao naman sa Cebuano. Makikita sa
debateng ito ang paniniwala ng sinaunang Cebuano tungkol sa pag-ibig,
pagkakaibigan, pangyayari sa lipunan, poot at galit at iba pa. Sa pag-aaral ni
Maria Colina Guitierrez, tinalakay nito ang balitao bilang salamin sa pamumuhay
ng mga Cebuano. Walang awtor ang balitao, nabuo ito sa kolektibong pagtatanghal
pagkatapos ng kanilang pag-aani sa kanilang sakahan. Ang paksa sa naturang
debate ay tumatalakay sa karanasan sa buhay ng mga Cebuano.
Nariyan din ang Bikal ng mga Waray
na parang balagtasan, ang pagliligawan na inaawit sa pagitan ng babae at lalaki.
Sa kasalukuyan, Ismayling or Ismaylingay ang bersyon nila sa ganitong uri
tagisan na kanilang napanatili pagkalipas ng pananakop ng Amerikano.
Kahit ang simpleng pagtatagisan sa
bugtungan ay maaring pagmumulan ng isang pagtatalong may tugmaan. Isang
halimbawa nito ang pagbanggit ng mga bugtong ng isang indibidwal at kailangan
masagot ito, pagkatapos masagot ang butong ay babanggit muli ng isa pang
bugtong mula sa isang kausap o indibidwal. Noong bata pa tayo ay mahilig tayo
sa palaliman ng kahulugan ng bugtong at kung kaninong bugtong ang hindi masagot
ay may kakaibang karangalan na sa sarili lang natin matatagpuan.
Sa libro ni Ong, Proverbs and
riddles are not used simply to store knowledge but to engage other in verbal
and intellectual combat: utterance of one proverb or riddle challenges hearer
to top it with a more opposite or a contradictory one (44)
Mahilig na talagang makipagtagisan
ng talino ang ating mga ninuno kahit noon pa sapagkat ang kakayahang
makipagtalo ay namayani sa na ating kultura bago pa dumating ang mananakop. Makikita
sa rap battle ang mga kakayahang minana natin sa ating mga ninuno, ang FlipTop
rap battle. Kahit noong panahon ng Amerikano mayroon na tayong paligsahan sa
paglikha ng mga matatalinghangang salita, ang Balagtasan.
Ang kasikatan ng Balagtasan sa
panahon ng Amerikano ay isang uri ng pagtatalo tulad ng Karagatan at Duplo. Ang
karagatan ay isang larong may paligsahan sa tula. Galing daw ang pangalang ito
sa alamat ng singsing ng isang dalagang nahulog sa gitna ng dagat at ang
binatang makakuha ay siyang pagkakalooban ng gintong Granada o pag-ibig ng
dalagang nawalan. Ito’y ginaganap sa ikasiyam na gabi ng isang namatay, sa
ikatatlumpung araw ng pagkamatay at sa unang taon ng kamatayan o pag-iibis ng
luksa. Ang Duplo ay masasaksihan din sa lamay ng patay. Kawili-wiling pakinggan
ito dahil sa paligsahan sa pangangatuwiran sa patulang pamamaraan. Sumilang ang
Balagtasan noong Abril 2, 1925, kaugnay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas.
Nagkakaroon ng bisa at popularidad noong panahon ng Amerikano, paligsahan sa
pagbigkas ng tula na nagpaningning sa kasikatan ng maraming makata. Dinumog ng
publiko ang sagupaan sa pagtula sa malalaking tanghalan noon tulad ng Opera
House, Olympic Stadium, at Teatro Zorilla. Inangkin din ito sa ibang rehiyonal
na wika gaya ng Ilokano, Pampango, Ilonggo, Cebuano, gayundin sa wikang Ingles
at Espanyol (Zafra, 4)
Sa kabilang dako, kung sa
Katagalugan ay naging popular ang Balagtasan, sa mga Ilokano naman ay naging
tanyag ang ganitong uri ng pagtatalo sa tawag na Bukanegan na hango sa makatang
Ilokanong si Pedro Bukaneg, ang kilalang makata ng Iloko/Ilocano na hango rin
sa Balagtasan. Sa mga Kapampangan naman
ay mayroon din silang Crissotan na hango sa makatang Kapampangan na si Juan
Crisostomo na ang ginagamit na sagisag ay Crissot. Samantalang mayroon pa ring isang uri ng balagtasan sa
kasalukuyan - ang Batutian – na hango kay Huseng Batute na sagisag ni Jose
Corazon de Jesus. Ang ikinaiiba nito sa
Balagtasan, ito’y nagtataglay ng pagpapaigting ng tudyuhan at pagmamayabang ng
mga nagtatalong makata.
Mula sa entablado o tanghalan, ang
Balagtasan ay narinig na rin sa radyo o himpapawid at maging sa tanghalan ng
mga paaralan sa kasalukuyan. Nariyan din ang Cancionan ng Pangasinan bilang
katapat sa dupluhan ng Bulacan, Crissotan ng Kapangpangan at ang Bukanegan ng
Ilocos. Wika pa ni Ma. Crisanta Nelmida-Flores sa kanyang Writing Pangasinan
History and Fiction na, Cancionan still persists as a popular entertainment
during town and barangay fiestas. Even local politicians utilize the Cancionan
in their campaign sorties either on the field or on radio. May balitao ang mga
Aklanon, Dallot ng Ilokano na naging arikenken, Banggianay ng Panay, Siday sa
pamalaye ng Ilonggo, Pamalaye ng Cebuano.
Ang hindi matatawarang galing ng mga
ninuno na humabi ng salita’t talinghaga ang nagpapayaman tradisyong oral ng
Pilipinas. Through different times, then subject matter and musical style may
change, but the fundamental principle of oral tradition in relation to the
people who practice it remains the same (Nono, 31). Ang paraan ng pagpapahayag
ng mga katutubo sa kanilang mga kwento, iniisip, nararamdaman, mga ginagawa sa
araw-araw sa saliw ng musika na nagpapahalaga sa kanilang kultura’t kasaysayan.
Malinaw na ang pinag-ugatan ng FlipTop ay ang oral na tradisyon.
Sabi pa ni Felipe de Leon sa kanyang
sa kanyang sanaysay na A Heritage of a Well Being na, According to UNESCO 2013
convention, Intangible Cultural Heritage (ICH) as the Wellspring of Local
Genius… Oral traditions and expressions including languages as a vehicle of ICH
( Felipe de Leon, Agung 2016)
Wika pa sa libro ni Lumbera, it is
concievable that the receiving performer of a song or a poem often feels that
the work he is expressive of his own belief, attitude and emotion, (2007). Ang
FlipTop rap battle na bukas sa lahat ng gustong manood sa kanilang liga, ang mga Emsi bilang bagong mag-aawit o
mambibigkas na nagpapahayag ng kanilang damdamin, iniisip at obserbasyon sa
lipunan sa kanilang henerasyon.
Sanggunian:
Sanggunian:
De Leon, Felipe. 2016. "A Heritage of
Well-Being: The Connectivity of the
Filipino." Agung, January-February,
p. 22
Flores, Maria Crisanta. 2009. WRITING
PANGASINAN HISTORY AND FICTION. University
of Pangasinan
Alan, Light. 1999. The Vibe history of hip
hop. New York : Three Rivers Press
Lumbera, Bienvenido at Cynthia Lumbera.
2007. Philippine Literature: History
& Anthology. Pasig City: Anvil Pub
Nadera, Vim. 2011. ALARIC RIAM YUSON: THE
FATHER OF FLIPTOP. Manila Bulletin
Nono, Grace. 2008. The shared voice :
chanted and spoken narratives from
the Philippines. Pasig City: Anvil
Ong,
Walter. 2002. Orality at Literary. London : Routledge,.
Petracca at Madeleine Sorapure. 2004. Common
Culture. United State of America.
Pearson Education, Inc.
Zafra, Galileo S. 1999. Balagtasan :
kasaysayan at antolohiya. Quezon City
: Ateneo de Manila University
Press
CCP encyclopedia of Philippine. 1998
Abrera,
Michaela L. Loonie: The King of the Rap Battlefield. http://www.fhm.com.ph/entertainment/music/article/3632(Nakuha noong Oktubre 26, 2017)
Fliptop,
Ang Tunay Na Liga.Http://definitelyfilipino.com/blog/2011/03/10/fliptop-ang-tunay- na- liga-2/ (Nakuha noong Oktubre 15, 2017)
Fliptop:
Another Adopted Culture of Hip-Hop.Http://www.tumblr.com/tagged/fliptop?before=1296200696
(Nakuha noong Oktubre 25, 2017)
FlipTop
Bayani: Mga Katha ng Panlalaglag at Pag-ariba sa Bayani. http://www.panitikan.com.ph/event/fliptop-bayani-mga-katha-ng-panlalaglag-pag-ariba-sa-bayani(Nakuha noong Oktubre 22, 2017)
Magalona,
Saab. Rhyme and lots of reason at FlipTop.http://www.philstar.com/youngstar/ysarticle.aspx?articleId=602197&publicationSubCategoryId=84. (Nakuha noong Oktubre 25, 2017)
Yuson,
Alfred A. hip-hop poetry http://www.philstar.com/arts-and-culture/2015/12/12/1531826/pinoy-hip-hop-poetry
(Nakuha noong Nobyembre 22,
2017)
https://www.kapitbisig.com/philippines/balagtasan-noon-at-ngayon-kaligirang-pangkasaysayan-ng-balagtasan_1138.html
(Nakuha noong Nobyembre 24,
2017)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento